Target ng Philippine Statistics Authority (PSA) na maipamahagi ang 20 million electronic versions na tinatawag na “ePhilIDs” bago matapos ang kasalukuyang taon.
Sinabi ni National Statistician Undersecretary Dennis Mapa na nagpapatuloy ang kanilang pilot test para sa pag-imprinta ng electronic version ng National ID bilang aletrnatibo dahil sa kinakaharap na pagkaantala sa pagpapalabas ng physical IDs.
Ayon pa sa PSA official, maaaring ipa-laminate ang ePhilIDs na maaari lamang maimprinta sa PhilSys registration centers.
Sa ngayon, mayroon ng 1,000 registrants ang nakatanggap na ng kanilang ePhilIDs kabilang na si PSA chief Mapa.
Una rito, sinimulan ang pag-rolyo ng electronic version ng national ID sa National Capital Region, Bulacan at Pampanga.
Ayon kay Mapa, target din na palawigin pa ito sa ibang parte ng bansa.