-- Advertisements --

Isinusulong ni Senator Erwin Tulfo ang 20% discount sa mobile load at internet services para sa mga Pilipinong estudyante upang makatulong sa mga pamilyang nahihirapang tustusan ang online learning.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2275 o Student Load Discount Act na inihain ni Tulfo, sakop ng diskuwento ang mobile prepaid load, mobile postpaid plans at mobile internet packages.

Layunin ng panukala na mabawasan ang dagdag-gastos ng mga estudyante at kanilang mga magulang, lalo na ngayong madalas na napipilitang lumipat sa online classes ang mga paaralan dahil sa masamang panahon.

Ayon kay Tulfo, hindi na sapat ang dating konsepto ng class suspension na nangangahulugang walang pasok, dahil maraming paaralan ngayon ang gumagamit ng online learning upang maiwasan ang pagkaantala sa pag-aaral.

Sakop ng panukala ang mga Pilipinong naka-enroll sa elementarya, sekondarya, technical-vocational at higher education, maliban sa post-graduate studies.

Magagamit ang 20% discount sa buong taon, kabilang ang weekends at holidays, habang kailangang magpakita ng school ID o proof of enrollment at birth certificate ang mga estudyante upang makakuha nito.

Obligado rin ang mga telecommunications companies na ipatupad ang diskuwento sa mga kwalipikadong estudyante, habang may nakalaang parusa para sa mga lalabag.

Giit ni Tulfo, hindi dapat maging hadlang ang kawalan ng pambili ng mobile data o internet sa pag-aaral ng isang estudyante.