Binigyan na ng “go signal” ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan para gamitin ang 20-percent ng kanilang development fund.
Ito’y bilang suporta umano sa ginagawang hakbang ng mga local government unit kontra sa pagkalata ng COVID-19.
Sa ilalim ng Joint Memorandum Circular ng DILG at Department of Budget and Management, binibigyan ng mga ahensya ang LGUs ng mas maluwag na panuntunan para magamit ang nasabing porsyento ng kanilang pondo.
“With the signing of the JMC, we are giving LGUs more flexibility in using their development fund for disaster preparedness and response efforts to contain the spread of coronavirus and to continue to provide basic services to their constituents who are severely affected by the enhanced community quarantine,” ani Sec. Eduardo Año.
Nakatanggap umano ng mga ulat ang DILG mula sa iba’t-ibang local offices dahil wala raw kasiguraduhan kung aabot ng hanggang sa kalagitnaan ng Abril ang hawak nila ngayong quick response funds.
“Batid namin na puwedeng kulangin ang pondo ng ating mga LGUs para bumili ng mga kinakailangang medical equipment at sa pag-alalay sa ating mga kababayan na lubos na naapektuhan ng krisis na ito,” dagdag ng kalihim.
Nilinaw naman ng DILG na limitado lang sa mga pagkain, transportasyon at pasilidad para sa mga medical at LGU personnel na frontliners ang paggagamitan ng pondo.
Pati na sa temporary shelters, training ng COVID-19 testing at iba pang programa kaugnay ng laban kontra sa virus.
“Hindi ito puwedeng gamitin para bumili ng furniture, fixture[s], appliances at motor vehicles. Pero kung gagamitin po ninyo ang 20 percent development fund para pambili ng food assistance para sa inyong constituents puwedeng-puwede po.”
Hindi rin pwedeng gamitin sa pagdadagdag ng sahod at personnel benefits ang pera mula sa 20-percent development fund.