CAUAYAN CITY- Mahigpit na minomonitor ang 20 cases ng COVID-19 sa Cauayan District Hospital (CDH)
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rhoda Jacqueline Gaffud, Chief of hospitals ng CDH, sinabi niya na sa kasalukuyan ay mayroong naka admit na 20 kaso ng COVID-19 sa pagamutan at 11 dito ang kumpirmado positibo sa RT-PCR test result habang 9 naman ang probable o suspect case.
Aniya, sa 11 bilang ng kumpirmadong nagpositibo, 10 rito ang residente ng lungsod habang isa naman ang mula sa bayan ng Luna.
Ang mga sintomas na naramdaman ng mga pasyente ay ang pagkakaroon ng trangkaso, sipon, ubo, pangangati ng lalamunan at pagdudumi.
Isinasailalim sa Rapid test ang lahat ng mga nagpapakunsulta sa pagamutan upang maiwasan ang paglaganap ng virus.
Ayon kay Dr. Gaffud, ipinagpapasalamat naman nila dahil nakakaramdam lamang ng mild symptoms at walang naitalang severe dahil lahat ng nagpositibo ay nabakunahan na ng 1st at 2nd dose.
Sa ngayon ay naghihigpit na sila pangunahin sa mga bumibisita na kaanak ng mga pasyente dahil kahit bakunado na ay maaari pa rin silang tamaan o mahawaan ng sakit.
Sa ngayon nagtatagal lamang ng 7 araw ang mga COVID-19 patient sa pagamutan pangunahin na ang mga fully vaccinated.