CENTRAL MINDANAO- Patay ang dalawang katao nang magsilbi ng warrant of arrest ang pulisya sa syudad ng Cotabato.
Nakilala ang mga nasawi na sina Ustaz Yahya Muntong at Parhan Bacol, mga residente ng Barangay Mother Kalanganan Cotabato City.
Sinabi ni CCPO-Station 4 Commander Police Major Elexon Bona na magsisilbi sana sila ng warrant of arrest laban sa mga suspek ngunit paparating pa lamang sila sa kanilang target ay pinaputukan na sila at hinagisan ng granada.
Napilitan ang mga pulis na gumanti ng putok laban kina Muntong at Bacol resulta ng pagkasawi nito.
Narekober ng raiding team ang isang kalibre.45 na pistola at granada na hindi pumutok.
Tinamaan rin sa tiyan ang isang police ngunit maswerteng nakasout ng bullet proof vest.
Ang warrant of arrest ay inisyu mula sa RTC-12 Branch 15 sa kasong murder at frustrated murder.
Iginiit naman ng pamilya na hindi nanlaban ang mga nasawi pinasok ito sa kanilang bahay at doon pinaputukan.
Isa sa pamilya ang nagsabi na nagmakaawa pa sya na wag magpaputok dahil may mga bata at wala din armas sina Muntong at Bacol.
Nagtaka na lamang sila na may baril at granada ang narekober.
Naninindigan naman ang pulisya na pinaputukan sila at hinagisan ng granada kaya napilitan sila gumanti ng putok.
Nakatakda namang maghain ng reklamo sa Commission on Human Rights (CHR) ang pamilya ng mga nasawi.