Reading Time: 1 minute

TACLOBAN CITY – Aabot sa apat na indibidwal ang nasawi sa nangyaring engkuwentro sa Barangay Olera, Calbayog City, Samar.

Kinilala ang mga namatay na sundalo na sina 2/Lt. Geroe Jade Nicor at Cpl. Joelito Canico ng 43rd Infantry Battalion.

Patuloy namang inaalam ng mga otoridad ang identity ng dalawa ring binawian ng buhay sa panig ng New People’s Army (NPA).

Ayon kay Maj. Bard Caesar Mazo, chief ng Public Affairs Office ng 8th Infantry Division, naabutan ng mga kasundaluhan ang aabot sa pitong rebelde na pinangungunahan ni Salvador Nordan alyas Ka Badok na nagsasagawa ng extortion activities sa mga residente sa naturang lugar kaya nagresulta ito sa bakbakan.

Umabot pa sa dalawang oras ang naging palitan ng putok ng dalawang kampo.

Sa ngayon, nagpapagaling sa ospital si Cpl. Eric Portalio.

Narekober naman ng mga sundalo ang dalawang M4 high powered firearms ng mga rebelde.