CEBU CITY – Aabot sa halos P1-milyon ang danyos na naitala mula sa nangyaring sunog sa Sitio Ponce 2, Brgy. Carreta, Cebu City.

Ayon kay Fire C/Insp. Noel Ababon ng Cebu City Fire Department head, na umabot sa third alarm ang sunog na pumutok nitong alas-4:00 ng umaga.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula sa bahay ng isang Edna Basillote ang pagkalat ng apoy.

Ani Ababon nakita umano ang ka-live in ni Basillote na si Jason Herciso na may bitbit na isang container ng gas bago mangyari ang sunog.

Sa ngayon nagpapatuloy pa raw ang kanilang imbestigasyon at hawak na ang kustodiya ni Herciso.

Dalawa naman ang naitalang patay sa sunog na kinilalang sina Nicasio Orcullo, 62, at Proserfina Orcullo, 57, matapos ma-trap sa kanilang bahay.