Dalawa ang patay sa nangyaring enkwentro bandang alas-4:17 kaninang hapon sa pagitan ng mga otoridad at dalawang umano’y notorious robbery/kidnapping personalities sa may bahagi ng Silangan Exit, SLEX, Calamba, Laguna.
Nakatanggap kasi ng report ang Regional Intelligence Division- Anti-Carnapping Unit (RID-ANCAR) ng PNP Calabarzon na isang Chinese ang dinukot ng grupo sa Asiana Paranaque City gamit ang isang Toyota Hi-ace color white.
Dahil dito agad nagsagawa ng patrol ang RID-ANCAR sa may Southern part ng NCR kung saan naispatan ang nasabing Toyota hi-ace patungong SLEX.
Nang makarating sa Cabuyao exit, natunugan ng mga suspeks ang presensiya ng RID-ANCAR nagpaputok ang mga suspek habang hinahabol sila ng mga operatiba.
Narekober ang bulto bultong pera, ID at chapa ng isang pulis, dalawang caliber .45 pistol sa van ng mga napatay na suspek na mga miyembro ng kilabot na robbery kidnap for ransom group.
Nagdulot din ng mabigat na daloy ng trapiko mula sa Sta Rosa, Laguna hanggang Silangan exit southbound.
Tadtad ng bala ng baril ang puting van kung saan sakay ang mga suspeks.
Habang sinusulat ang balitang ito, hindi pa malinaw kung na-rescue ang dinukot na Chinese.