-- Advertisements --

Binatikos ni Labor leader Ka Leody de Guzman ang Wage Order No. 28 na inilabas ng Wage Board, na nagpapatupad ng P60 wage increase para sa mga manggagawang Pilipino sa Metro Manila.

Pinuna nito ang panibagong utos dahil hindi raw naisama rito ang karagdagang P25 mula sa naunang Wage Order No. 27, na nagtatakda ng kabuuang P85 na dagdag-sahod na hinati sa dalawang tranche.

Matatandaang pansamantalang naantala ang pagpapatupad ng wage increase sa Metro Manila dahil sa injunction order na inilabas ng Pasig RTC.

Kaugnay nito, sinabi rin ni DOLE Secretary Francis Tolentino sa naging deliberasyon ng panukalang pondo ng ahensya sa kongreso na wala silang kapasidad na ibalik ang naantalang taas-sahod dahil aniya ang korte suprema ang may kapangyarihang magdesisyon sa usaping ito.

Samanatala, iginiit ni Ka Leody na ang aksyong ito ng pamahalaan ay para lamang umano mapagbigyan ang kapritso ng mga kapitalista na panatilihing mababa ang sahod ng mga manggagawa at ayaw sumunod sa nasabing wage order.

Ayon sa kaniya, tila kapag kapakanan ng mga kapitalista ay mabilis ang aksyon ng gobyerno, taliwas sa mga manggagawa na pahirapan bago makuha ang inaasahang sahod.