-- Advertisements --
CEBU CITY – Patay na nang marekober ang dalawang indibidwal matapos malibing nang buhay makaraang gumuho ang lupa sa Sitio Ilaya, Brgy. Guinacot, lungsod ng Danao, Cebu.
Kinilala ang mga biktima na sina Phylbyrt Giangan, 22; at Kent Daniel Maglinte, 13, kapwa residente ng nasabing lugar.
Ayon kay PCpl. Mark Anthony Manula ng Danao PNP, naghahakot ng buhangin at graba ang mga biktima at posibleng hindi na namalayan nito ang lalim ng kanilang nahukay.
Sinasabing parang tunnel na ang nahukay ng dalawa at dahil malambot ang lupa kaya umano madali itong gumuho.
Agad namang rumesponde ang disaster team ng Danao ngunit hindi na nailigtas pa ang mga biktima.
Nabatid na iligal ang ginagawang paghahakot ng buhangin at graba ng mga nasawi.