-- Advertisements --

DAVAO CITY – Kakasuhan ng kasong reckless imprudence resulting to double homicide ang driver ng isang gasoline tanker matapos na mabangga nito ang isang harvester kung saan dalawa ang nasawi habang anim naman ang sugatan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Nabunturan PNP, natukoy na patungo ang mga biktima sa kanilang sakahan para mag-ani ngunit pagdating nila sa Golden Valley sa Magsaysay Nabunturan Davao de Oro ay bigla na lamang sila binangga ng isang gasoline tanker.

Sa ngayon, hawak na ng mga otoridad ang driver ng tanker na nakilalang si Diego Basmayor, Geralde-59 anyos, residente ng Tibungco, Davao City.

Ayon kay Basmayor, nawalan ng preno ang kanyang minamanehong tanker kaya nabangga ang harvester na sinasakyan ng mga biktima.

Dahil sa matinding impact, nahila nito ng ilang metro ang katawan ng mga biktima.

-- Advertisement --

Wala namang naitalang casualty sa isang bahay kung saan bumangga rin ang naturang tanker.

Sa kasalukuyan, nasa isang punerarya sa lugar ang dalawang mga biktima na sina Eduardo Maramba,-44; at kapatid nito na si Edwin Maramba, 47.

Patuloy namang nagpapagaling pa sa Davao de Oro Provincial Hospital ang ilan sa mga biktima.