ROXAS CITY – Dalawa ang patay habang dalawa naman ang sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa mga bayan ng Pontevedra at Pilar sa lalawigan ng Capiz.

Unang namatay sa aksidente si Danilo Besa, 45, ng Barangay Culajao, Roxas City habang sugatan naman ang 19-anyos na estudyante na si Herbert Nequinto sa salpukan ng dalawang motorsiklo sa Barangay Binuntucan, Pontevedra, Capiz.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Pontevedra Municipal Police Station, nagmula sa bayan ng Maayon si Besa at pauwi na sa lungsod ng Roxas nang nakabanggaan nito ang minamanehong motorsiklo ni Nequinto na papuntang bayan ng Pontevedra.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay nagtamo ng patal na sugat sa ulo si Besa at nasugatan rin si Nequinto.

Samantala, dead on arrival rin ang isang senior citizen matapos ang salpukan ng dalawang motorsiklo sa Barangay Sta. Fe, Pilar, Capiz

-- Advertisement --

Kinilala ang namatay na biktima na si Leopoldo Besonia, 73, ng Barangay Kinalkalan, Iloilo.

Ayon kay Cpl Jaypee Tumugda, imbestigador ng Pilar Municipal Police station, habang binabaybay ng dalawang driver ng motorsiklo ang naturang daan, aksidente na nabangga ni Besonia ang motorsiklo na minamaneho naman ni Vicente Pelaga, 67, ng Barangay San Ramon, Pilar, Capiz.

Dahil dito, nagtamo ng sugat sa katawan si Pelaga habang patal na sugat sa ulo naman ang natamo ni Besonia.