KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang negosasyon ng mga lokal na opisyal sa Datu Abdullah Sangki, Maguindanao, matapos na magkasagupa ang dalawang armadong grupo sa nasabing lugar kung saan dalawa umano ang binawian ng buhay at isa naman ang naitalang sugatan.

Sa ipinaabot na impormasyon sa Bombo Radyo Koronadal, inihayag ni PNP Director, Police Col. Ronald Briones na nagka engkwentro ang grupo nina Kumander Tommy at Adrex Cali sa Barangay Tukanalugong sa nasabing bayan.

Napag alaman na sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng dalawang grupo dalawa sa mga tauhan ni Kumander Tommy ang binawian ng buhay at isa naman ang sugatan sa grupo ni Adrex Cali na pawang mga miyembro umano ng isang Moro Front sa Maguindanao.

Umabot naman sa isang oras ang palitan ng putok ng magkabilang panig na naging dahilan naman sa paglikas ng sibilyan na natakot na maipit sa nasabing labanan.

Sa ngayon patuloy naman ang monitoring ng pulisya at militar sa nasabing lugar.