-- Advertisements --
MARSIE

Sumuko na rin ang dalawa pang suspek sa umano’y pagkasawi ng isang criminology student na si Ahldryn Leary Bravante matapos sumailalim sa hazng.

Sa ulat na inilabas ng Quezon City Police District, kinilala ang ikalimang suspek na si John Xavier Arcosa, habang ang ikaanim na suspek naman ay kinilalang si John Arvin Kaylle Diocena na kapwa nagsisuko ng kusa sa mga otoridad.

Ang naturang mga suspek ay nasa kustodiya na ngayon ng criminal Investigation and Detection Unit kasama ang iba pang mga suspek na sina Justin Cantillo, Mark Leo Andales, Kyle Michael de Castro, at Lexer Angelo Manarpies.

Kaugnay nito ay naghain na rin ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018 sa Quezon City Prosecutor’s Office ang Quezon City Police District laban sa 5 sa mga suspek.

Habang naglunsad na rin ng manhunt operation ang kapulisan upang tugisin pa ang sampu mula sa 16 na mga suspek sa nasabing krimen.

Samantala, kaugnay nito ay tiniyak naman ng Pambansang Pulisya na hindi nila kokonsintehin ang anumang uri ng karahasan partikular na sa mga kabataan.

Ito ang binigyang-diin ni PNP Public Information Office chief PCOL Jean Fajardo sa isang pahayag kasunod nga ng panibago nanamang insidente ng pagkasawi ng isang estudyante nang dahil sa hazing.

Dahil dito ay patuloy ang pagpapaalala ngayon ng kapulisan sa mga kabataan na suriing maigi ang mga sasalihang organisasyon o sasamahang kaibigan na hindi magdudulot sa kanila ng anumang uri ng kapahamakan.

Nabatid na batay sa death certificate ni Bravante, blunt impact injuries sa lower extremities ang ikinasawi ni Bravante matapos umanong i-paddle ng 60 beses mula sa 20 miyembro ng Tau Gamma Phi sa isang initiation rites.

Kaugnay pa rin nito ay nagpahayag din ng kahandaan ang Philippine College of Criminology na makipagtulungan sa mga awtoridad sa imbestigasyon sa mga estudyanteng sangkot sa umano’y fatal hazing.