-- Advertisements --

Balak bumili ng karagdagang dalawa pang genome sequencing machines ang pamahalaan, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Sa Laging Handa briefing kaninang tanghali, sinabi ni Vergeire na ang bawat genome sequencing machines na ito ay mayroong kapasidad na makapag-test ng hanggang 750 samples.

“Tayo ngayon ay may move na para bumili pa ng additional machines na ganito para mas madagdagan. Ang mga machine na ito ay may capacity of testing 750 samples per run, so ito ‘yung ating proposal ng PGC,” ani Vergeire.

Sa ngayon, ang kaya lamang i-test na samples sa pamahalaan ay 750 lamang per batch, kung saan ang resulta ay inilalabas kada linggo.

Sinabi ni Vergeire na bukod sa Philippine Genome Center (PCG), maari ring mag-test sa mga samples ang University of the Philippines National Institutes of Health at Research Institute for Tropical Medicine pero para sa mga maliliit lamang na mga makina na mayroon ding mababang testing capacity.