Dalawang batch pa ng mga overseas Filipino worker (OFW) mula sa Israel ang inaasahang darating sa Pilipinas ngayong linggo.
Sa isang pahayag, sinabi ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac na darating ang ikalimang batch ngayong Lunes ng hapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa ganap na 3:15 p.m.
Ang batch ay binubuo ng 22 OFW at isang sanggol.
Sa mga OFW, 19 ang caregiver habang 3 ang hotel workers.
Ssinabi ng DMW na ibabalik din kasama ng grupo ang mga labi ni Mary Grace Prodigo-Cabrera, ang ikaapat na Pilipinong nasawi sa digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas.
Ayon sa DMW, inaasahang darating sa Martes ng hapon ang ikaanim na batch ng 42 OFWs.
Dagdag dito, matapos ang pagdating ng dalawang batch, sinabi ng DMW na 184 OFWs ang babalik sa Pilipinas mula sa Israel.
Nauna nang inilagay ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Israel sa Alert Level 2 kasunod ng pag-atake ng militanteng grupong Hamas noong Oktubre 7.