Hawak na ngayon ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang dalawang Pinay na biktima ng illegal recruitment na naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Sa report ni Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) Chief Ma. Timotea Barizo kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente, ang dalawang overseas Filipino workers (OFW’s) ay patungo sanang Qatar.
Sinabi ni Barizo na ang mga hindi na pinangalanang mga OFWs para sa kanilang proteksiyon ay tinangkang sumakay sa Qatar Airways.
Pero nang dumaan ito sa primary inspection officers para sa kanilang mga dokumento ay dito nadiskubreng ang kanilang mga Overseas Employment Certificates (OECs) ay hindi encoded sa linked database ng BI sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Kasunod nito, agad namang pinapunta ang dalawa sa POEA Labor Assistance Center (LAC) sa airport para sa verification ng kanilang mga dokumento.
Bumalik naman umano ang mga biktima pero nadiskubreng palsipikado ang kanilang iprinisintang validates slip.
Sa pagtatanong ng TCEU, inamin daw ng dalawang ibinigay lamang ang kanilang OEC validation forms ng kanilang handler malapit sa exit ng airport na binayaran nila ng tig-P35,000 kapalit ng mga pekeng document package na kanilang iprinisinta sa paliparan.
Sinabi ni Barizo na wala ring saysay ang pamemeke sa OEC dahil mayroon silang integrated system sa POEA para i-check kung ang lahat ng mga papaalis na mga OFWs ay dokumentado.
Pinapurihan naman ni Morente ang pagsisikap ng mga immigration officers para masawata ang modus ng mga human traffickers pero dismayado pa rin daw ito sa gawain ng mga human traffickers at illegal recruitment syndicates.