Dalawang bus na markado ng logo ng Metropolitan Manila Development Authority ang nahuli matapos na iligal na dumaan sa EDSA Bus Carousel Lane.
Ito ay sa kasagsagan ng ikinasang operasyon ng Department of Transportation Special Action and Intelligence Committee for Transportation ngayong araw.
Ayon sa mga operatiba ng DOTr, ang naturang mga bus ay may sakay na mga empleyado ng MMDA at patungo sana sa kanilang opisina sa head office ng ahensya sa Pasig City.
Sabi ni Special Action and Intelligence Committee for Transportation head Anna Poteet Morales, nang harangin ng mga operatiba ang mga driver ng naturang bus ay nagpakita ang mga ito ng February 20 MMDA memo sa mga DOTr enforcers na nagsasabi ng maaari ng dumaan sa EDSA Bus Carousel Lane ang mga MMDA shuttle bus para sa mga empleyado ng transportation.
Ngunit gayunpaman ay binigyang-diin ng opisyal na hindi kinikilala sa EDSA bus way ang ganitong uri ng “in-house memo”.
Sa ngayon ay hindi pa naman naglalabas ng komento ang MMDA ukol dito.
Samantala, bukod sa mga bus ng MMDA ay may nahuli rin ang mga operatiba na iba pang government vehicles tulad ng sasakyan ng Bureau of Fire Protection at Philippine National Police, at ilang ambulansya na iligal na gumagamit ng EDSA busway.
Giit ng mga kinauukulan, pinapayagan lamang na gumamit ng EDSA busway ang ganitong uri ng mga sasakyan kung ang mga ito ay mayroong nirerespondehang emergency.