CENTRAL MINDANAO – Dalawa ang nasawi sa pananambang sa probinsiya ng Cotabato.

Nakilala ang mga binawian ng buhay na sina Nuska Alamansa, 32, magsasaka at si Nasser Tambilangan Ampatuan, 34, mga residente ng Sitio Kweda, Barangay Pisan, Kabacan, North Cotabato.

Ayon kay Cotabato police provincial director Colonel Maximo Layugan, habang lulan ang mga biktima sa isang motorsiklo sa Brgy. Kibuyao, Carmen, North Cotabato ay bigla itong pinagbabaril ng mga hindi kilalang mga armadong kalalakihan gamit ang M16 Armalite rifles at kalibre .45.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Carmen at tinangay pa nito ang motorsiklong sinakyan ng mga biktima.

Patay on the spot sina Alamansa at Ampatuan nang magtamo ito ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Ang dalawang mga biktima ay mga myembro umano ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pananambang sa mga biktima.