Muling nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko laban sa mga aktibidad ng mga sindikatong punterya ang mga babaeng menor de edad na kanilang nire-recruite papunta sa ibayong dagat.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente kasunod na rin ito ng pagkakaharang ng BI travel control and enforcement unit (TCEU) sa international airports sa Pampanga at Manila ng dalawang overseas Filipino Workers (OFWs) na nagprisinta ng mga palsipikadong dokumento na sila ay nasa tamang edad na para magtrabaho sa ibayong dagat.
Ang mga biktima mula sa Mindanao ay ni-recruit umano bilang household helpers sa Saudi Arabia.
Si alyas “Ria” ay naharang sa Clark International Airport (CIA) habang si alyas “Lea” ay nailigtas naman ng BI sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Morente, pineke umano ng mga biktima ang kanilang birthdates para palabasing pasado na sila sa age requirements ng mga domestic helpers na puwedeng magtrabaho sa Saudi Arabia.
Lumalabas sa isinagawang interview na ang dalawa ay hindi nasagot ng maayos ang mga tanong sa kanila partikular sa kanilang edad at background.
Sinabi ni alyas “Ria” na siya raw ay 20-anyos pero nagpakita ng kanyang mga IDs at larawab na suot ang kanyang high school uniform.
Pinalabas naman daw ni alyas “Lea” na siya ay 26-anyos pero gamit daw ang identity ng ibang tao.
Sa record ng BI, lumabas na ang ginamit nitong pangalan sa kanyang passport ay nakaalis na ng bansa at nagtrabahong household helper abroad.
“We commend the efforts of primary inspector officers and the TCEU officers that prevented the departure of these victims,” said Morente. “Their vigilance again saved two of our kababayan from being victimized by unscrupulous recruiters who prey on our youth,” ani Morente.
Sa ngayon itinurn over na ang dalawang biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa assistance at para sa paghahain ng reklamo laban sa kanyang mga recruiters.