LA UNION – Patay ang isang 17-anyos na binata habang patuloy na ginagamot at inoobserbahan sa ospital ang isa pang menor de edad, matapos mahagip ng closed van sa kahabaan ng national highway sa La Union-Pangasinan Road, partikular sa sakop ng Damortis, Sto. Tomas, La Union.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Dexter Noche, ng Brgy. Damortis at Jimmy Seli, 16, ng Brgy. Cupang sa nasabi ding bayan.

Ang respondent driver na nagmando sa closed van ay nakilalang si Roberto Ferrer Jr., 40, may asawa, residente ng Malasiqui, Pangasinan.

Batay sa report, naglalakad umano sa shoulder lane ng kalsada ang dalawang biktima nang umano’y mahagip sila ng mabilis na van, na galing San Fernando City at pauwi na sana sa lalawigan ng Pangasinan nang mangyari ang aksidente.

Dead-on-arrival si Noche sa pagamutan habang si Seli ay patuloy na inoobserbahan sa pagamutan.

-- Advertisement --

Samantala, agad namang sumuko ang respondent driver na nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.