Pinauwi na sa kanilang pamilya ang dalawang mangingisdang naging biktima ng pagtaob ng bangko kamakailan sa karagatang sakop ng Pangasinan.
Nakilala ang mga ito na sina Randy Arbollyenty (30 taong gulang) at Mark Kimber (37 taong gulang), kapwa residente ng Barangay Boboy, Agno, Pangasinan.
Nabatid na nagsagawa ng inter-agency operation ang Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy (PN) bilang tugon sa isang maritime incident sa paligid ng karagatan ng Agno, Pangasinan.
Sakay ng bangka ang mga mangingisda nang hampasin sila ng malalaking alon habang nasa layong 30 nautical milres sa kanluran ng Rena Point, Agno, Pangasinan.
Nasagip naman ang dalawa ng MV Wadi Almalikat, na isang bulk carrier na nakarehistro sa ilalim ng bandila ng Egypt, habang naglalayag ito sa nasabing lugar.
Bandang 8:50 ng umaga, nagsagawa ng inter-agency operation ang Philippine Coast Guard at Philippine Navy vessel na BRP Nestor Reinoso para tulungan ang mga nasagip na mangingisda.
Bandang 4:30 ng umaga ng sumunod na araw, tinanggap ng PCG at PN ang mga nasagip na mangingisda mula sa MV Wadi Almalikat.
Dumating sila sa Sual Fish Port sa Sual, Pangasinan bandang 10:00 ng umaga.
Pagdating dito, sumailalim sa medical check-up ang mga nasagip na mangingisda at idineklara silang nasa maayos na pisikal na kondisyon.