-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Awayan sa lupa ang umano’y natatanaw ng mga otoridad na motibo sa pamamaril-patay ng dalawang laborer sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga biktima na sina Rufo Angelika, 50, may asawa, isang PWD, residente ng Barangay Tibao, M’lang, Cotabato at Sinon Simpino, 51, may asawa at nakatira sa Barangay Greenhills, President Roxas, Cotabato.

Ayon kay M’lang chief of police Lt. Col. Realan Mamon na habang nagtratrabaho ang mga biktima sa sakahan na pagmamay-ari ni Jun Nietes sa Barangay Tibao at hangganan ng Barangay New Antique sa bayan ng M’lang ay bigla na lamang sumulpot ang mga hindi kilalang armadong kalalakihan at pinagbabaril sila gamit ang mga matataas na uri ng armas.

Agad namang tumakas ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa bayan ng M’lang.

Patay on the spot ang mga biktima nang magtamo ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng M’lang PNP sa pamamaril patay sa mga biktima.