-- Advertisements --

Dalawang malalakas na aftershock ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa bahagi ng Sarangani nitong madaling araw ng Miyerkules, Hunyo 10, 2026.

Ayon sa PHIVOLCS, unang naitala ang lindol bandang alas-12:49 ng madaling araw na una sanang inulat na magnitude 5.9 ngunit kalaunan ay ibinaba sa magnitude 5.0.

Ang pagyanig ay mula sa tectonic at may lalim na 19 kilometro sa may Balut Island sa Sarangani, Davao Occidental.

Ramdam ang lindol sa ilang lugar kabilang ang General Santos City na nakapagtala ng Intensity IV, habang Intensity I naman ang naitala sa Davao City.

Sumunod naman ang isa pang aftershock bandang alas-2:09 ng madaling araw na may lakas na magnitude 5.1 at lalim na 10 kilometro sa Sarangani Island.

Ayon sa PHIVOLCS, ang mga lindol ay pawang aftershocks ng magnitude 7.8 na tumama sa Maasim, Sarangani noong Lunes.

Nagbabala ang ahensya na inaasahan pa ang patuloy na aftershocks at posibleng karagdagang pinsala sa mga istruktura sa mga apektadong lugar.