Ilalaan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea ang dalawang malaking barko na darating sa bansa sa susunod na taon.
Magmumula umano ito sa Japan at higit na malaki, kumpara sa mga barkong kanilang ginagamit sa kasalukuyan.
Ayon kay PCG spokesman Comodore Armand Balilo, maaaring sa buwan ng Mayo at Hunyo maihahatid sa Pilipinas ang karagdagang assets.
Sa ngayon umano ay kinokompleto na lang ang mga pasilidad na ilalagay sa barko, para maging angkop ito sa pagpapatrolya sa mga katubigang saklaw ng ating bansa.
Nilinaw naman nitong hindi layunin ng pagkuha nila ng mga bagong vessel na ipangtapat ito sa mga barko ng China.
Ang gagawin umano sa mga barko ay para sa pangkalahatang pangangailangan, tulad ng pag-rescue, pag-alalay sa mga mangingisda at regular na pagpapatrolya sa karagatang sakop ng Pilipinas.