-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Sa kulungan ang bagsak ng dalawang lalaki na walang home quarantine pass nang dumaan sa check-up point kasabay ng enhanced community quarantine sa Silay City, Negros Occidental matapos mahulihan ng illegal na droga.

Ayon sa Silay City Police Station, sinita nila sina Angelo Armigoz, 34, residente ng Brgy. Lantad; at Jennel Bayutas, 38, residente ng Brgy. Rizal sa nabanggit na lungsod nang makitang gumagala ang mga ito sa Barangay Rizal kahapon ng hapon.

Ayon sa hepe na si Police Major Rollie Pondevilla, nakipagbuno pa ang dalawa nang inaresto ng mga pulis dahil wala silang maipakitang home quarantine pass.

Sa body search, nakuhaan ang mga ito ng anim na malalaking sachet ng suspected shabu na tinatayang may bigat na 30 grams at nagkakahalaga ng P450,000 kaya’t dinala ang mga ito sa Silay City Police Station.

Sa ngayon, inihahanda na ng mga pulis ang kasong isasampa laban sa kanila dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Inaalam naman ng mga pulis kung may kaugnayan sa isang drug group ang mga nahuli.