SA SAN MATEO, ISABELA- Pinaniniwalaan ng mga kasapi ng San Mateo Police Station na miyembro ng robbery hold-up group ang dalawang lalaki na inaresto sa San Mateo, Isabela
Nauna nang naaresto ang mga suspect na sina Neptali Mandani, 33 anyos, residente ng Malvar, Santiago City at Ramel Javier, 5 anyos, residente ng Victory Norte, Santiago City.
Ang mga suspect ay mayroong pang naging biktima sa bayan ng Ramon na si Judy-ann Padiangan, 22 anyos , residente ng Bugallion Norte, Ramon, Isabela.
Si Padiangan ay nakipag-ugnayan sa Ramon Police Station at kinumpirmang pagmamay-ari nito ang isang cellphone na nasamsam sa mga suspect.
Nauna rito sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Heroshi Del Carmen, pahinante ng delivery truck, sinabi niya na inakyat ng dalawang lalaki ang kanilang sasakyan at kinuha ang dala nilang bag na naglalaman ng halos P4,000.
Nang patungo na sila sa bayan ng Cabatuan, Isabela ay nakita nila ang dalawang lalaki na nakamotorsiklo kaya humingi sila ng tulong sa mga pulis.
Naghabulan sila hanggang sa macorner ang dalawang suspect matapos na mabangga ang isang tricycle na kinalulunanan ni barangay kagawad Antonio Ucol ng Old Centro proper, San Mateo, Isabela na nadamay din sa pangyayari.
Nakuha sa pag-iingat ng mga suspect ang baril, mga pitaka, kagamitan ng babae at tatlong cellphone.
Inaalam na ng mga kasapi ng San Mateo Police Station ang iba pang kasong kinasangkutan ng mga pinaghihinalaan
Sa ngayon ay ginagamot sina sila sa integrated hospital sa bayan ng San Mateo maging ang barangay kagawad na nadamay sa aksidente.