CAUAYAN CITY – Dinakip sa magkahiwalay na anti illegal drug buy bust operation ng Presinto Uno at Presinto Dos sa lunsod ng Santiago ang dalawang lalaki dahil sa pagtutulak ng iligal na droga.

Unang nadakip ng Presinto uno si Jeffrey Baligo, 44-anyos, driver at residente ng Barangay Buenavista.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, isinagawa ang anti illegal drug buy bust operation sa Barangay Calao West at bitbit ang isang sachet ng hinihinalang droga ay nakipagtransaksyon ang suspek sa isang pulis na nagpanggap na poseur/buyer katumbas ng halagang P2,500.

Itinanggi naman ng suspek ang pagkakasangkot sa iligal na gawain at iginiit na matagal na niya itong kinalimutan.

Dati nang nasangkot si Baligo sa kaparehong kaso noong 2012 at nakalaya sa taong 2014.

Siya ay kabilang sa Street Level Individual List ng mga awtoridad.

Nadakip naman sa Purok 3, Barangay Dubinan West si John Vincent Francisco, 21-anyos, tricycle driver at residente ng Barangay Plaridel.

Sa halagang P1,500 ay nabili ng pulis na nagpanggap na buyer ang isang sachet ng hinihinalang shabu sa pinaghihinalaan.

Kabilang din si Francisco sa Street Level Individual List ng mga awtoridad gayunman ay itinanggi rin niya na sa kanya ang mga nasamsam na ebidensya.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga pinaghihinalaan na nakatakda nang ipasakamay sa Santiago City Custodial Facility.