-- Advertisements --
image 77

Isang lalake ang natagpuang patay ng mga kawani ng Philippine Coast Guard Station Cagayan, PCG Special Operation Group-North Eastern Luzon at MDRRMO Lal-lo matapos ito malunod sa Small Water Impounding Project o irrigation dam noong Biyernes Santo, April 7.

Ayon sa imbestigasyon, nagpunta ang 36-anyos na lalaki sa malalim na bahagi ng irrigation dam gamit ang kaniyang bangka. 

Lumangoy umano at napalayo ang biktima sa kanyang bangka hanggang sa bigla nalang itong nawala at hinihinalang lumubog sa tubig. 

Nakita naman ang bangkay ng lalake na lumulutang Sabado ng umaga. 

Samantala, sa ilog na sakop ng Barangay Sta. Clara, Sta. Ana, Cagayan natagpuan ang katawan ng isang lalaki noong Biyernes Santo, April 7.

Ayon sa MDRRMO Sta. Ana, nakita ito ng mga nagpi-picnic sa ilog.

Dinala pa sa ospital, pero idineklarang dead on arrival ng umasikasong doktor ang lalaki na napag-alamang 52-anyos at residente ng Barangay Kapanickan sa nasabi ring bayan.

Batay sa medical report, lumalabas na pagkalunod ang ikinamatay ng lalaki at nasa impluwensiya rin siya ng nakalalasing na inumin.