-- Advertisements --

Isang SUV ang inanod ng malakas na agos ng tubig habang tumatawid sa Agno River na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang indibiduwal at pagkasugat ng tatlong iba pa.

Ayon sa mga awtoridad, isang itim na Toyota Fortuner ang tinangay ng rumaragasang tubig sa Sitio Tabu, Barangay Dalupirip, bandang alas-2 ng hapon noong Sabado.

Sa ulat ng Itogon Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), galing sa isang graduation pictorial ang mga sakay ng SUV at pabalik na sana ng subukan nilang tawirin ang ilog ang biglaang pagtaas ng tubig at malalakas na agos ang humila sa sasakyan patungo sa mababang bahagi ng ilog na puno ng bato at malalakas na alon.

Agad na rumesponde ang mga rescue team at dinala ang mga sugatang sakay ng SUV sa Itogon District Hospital.

Nabawi rin ang sasakyan bago mag-ala-4 ng hapon. Gayunpaman, isa sa mga sugatan ang binawian ng buhay sa ospital, habang ang bangkay ng isa pang nawawala ay natagpuan kalaunan.