KALIBO, Aklan — Pinagbabayad ng lokal na pamahalaan ng Malay ng tig-P5,000 na multa ang may-ari ng bahay at party organizer matapos ang ginawang paglabag sa COVID-19 health protocols sa isinagawang Halloween party noong Oktubre 31 sa Brgy. Manocmanoc sa isla ng Boracay.
Kinumpirma ni Malay Mayor Frolibar Bautista na ang Jade’s Casa de Arte na pinagdausan ng event ay walang kaukulang business permit at iba pang dokumento sa kanilang operasyon.
Patuloy pa aniyang inaalam at pinaghahanap ang isa pang organizer na siyang may hawak ng logbook ng mga taong dumalo sa party.
May kalayuan umano ang naturang bahay sa main road, mga 700 metros ang layo at may swimming pool. Sinasabing inupahan ito para sa isang birthday party.
Nauna nang binatikos ng Department of Tourism ang LGU-Malay sa sinasabing kapabayaan nito matapos lumutang ang isang video, kung saan makikitang hindi nakasuot ng face masks ang mga partygoers at hindi nasusunod ang physical distancing.