-- Advertisements --

Pansamantalang pinalaya ng mga awtoridad ang dalawang indibidwal na inaresto sa magkahiwalay na komosyon sa rally ng Iglesia ni Cristo malapit sa EDSA People Power Monument sa Quezon City habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), kabilang sa mga iniimbestigahan ang isang raliyista na umano’y nanuntok ng pulis at isang drayber ng bus na sinasabing sangkot sa insidente kung saan naipit ang isang babaeng pulis sa EDSA noong Hunyo 30.

Sinabi ng QCPD na patuloy pang bineberipika ang pagkakakilanlan at antas ng pagkakasangkot ng dalawang indibidwal.

Samantala, nananatili sa Philippine National Police General Hospital ang dalawang pulis na nasugatan sa insidente at patuloy na ginagamot.

Ayon sa mga awtoridad, ang komosyon ay nangyari lamang sa umaga at hindi na lumala, habang naging maayos at mapayapa ang kabuuan ng pagtitipon.

Nagpatuloy ngayong ikalawang araw ang INC rally sa Quezon City kung saan inaasahang aabot sa 100,000 ang mga lalahok.