Humingi sa Korte Suprema ng writ of amparo at protection orders laban sa ilang opisyal ng gobyerno ang dalawang environment activist na dinukot umano ng mga sundalo.
Ang 37-pahina na petisyon na inihain nina 22-anyos na si Jhed Tamano at 21-anyos na si Jonila Castro sa Supreme Court kung saan humihiling sila na maglabas ng writ of amparo at writ of habeas data para sa kanilang proteksyon.
Nais nila na maprotektahan laban kina Lieutenant Colonel Ronnel Dela Cruz at mga miyembro ng 70th Infantry Battalion, Police Captain Carlito Buco at mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) Bataan, National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya, at ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Hiling nila sa korte na ideklara ang mga nabanggit na mga responsable sa kanilang pagkawala at ang iligal na pagkulong sa kanila.
Magugunitang iginiit ng NTF-ELCAC na ang dalawa ay sumuko sa kanilang opisina at hindi dinukot umano ng mga sundalo.