-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Walang humpay ang mga isinasagawang anti-drug operations ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 5 katuwang ang iba pang law enforcement units sa Bicol sa kabila ng pandemya.

Sa pagbubukas pa lamang ng kasalukuyang linggo, sinalakay ng mga operatiba ang isang drug den sa Brgy. Puro sa lungsod ng Legazpi kung saan huli pa sa akto ang limang kataong nasa pot session at isa naman ang kusang sumuko.

Pitong sachet ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska na may market value na P102,000.

Sa pagsisilbi naman ng search warrant sa Brgy. Bitano sa lungsod, arestado si Gilbert Adornado kung saan nakuha ang anim na sachet ng shabu na tumitimbang ng 50 gramo at nagkakahalaga ng P340,000.

Sa Brgy. Sto Cristo, Tabaco City, arestado ang drug den maintainer na si Alfon Bonto Abaluado, 26, at apat na bisita nito na nasa akto pa ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Ayon kay PDEA Bicol information officer Cotton Talento sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ipinagpapasalamat ang effort ng mga teams na hindi tumitigil sa casing, surveillance at operations.

Nai-turnover na sa PDEA ang mga personalidad at nakalap na mga ebidensya para sa karampatang disposisyon.