NAGA CITY – Matapos ang preliminary competition ng 68th Miss Universe, nadagdagan pa ang “top picks” ng mga pageant enthusiast sa naggagandahang kandidata na magpapatagisan para makuha ang korona.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Carlo Villa, pageant enthusiast at Bombo International Correspondent sa Georgia, sinabi nitong maliban kay Miss Universe-Philippines Gazini Ganados, kasama sa mga nakikita nilang may tiyansang makaabot sa Top 5 ang pambato ng Albania, Ireland, USA, Brazil at Thailand.

Ngunit sa tingin daw niya, mas magiging mahigpit na kalaban ni Ganados ang Albania kung saan standout din ang ganda nito, magaling magsalita at tiyak na kayang irepresenta ang Miss Universe Organization.

Magaling din aniya ang mga unang appearances ni Miss USA na isang abogada at mahusay sumagot, habang matalino si Ireland na nagtatrabaho sa NASA (National Aeronautics and Space Administration).

Sa kabila nito, kampante si Villa na may laban si Ganados at kakayanin nitong maiuwi ang korona sa bansa.

Nabatid na nasa “top picks” din ang pambato ng Pilipinas sa mga Amerikano at Italyano.