CAGAYAN DE ORO CITY – Sinampahan ng kasong paglabag ng illegal possession of explosives at illegal possession of firearms ang dalawang Chinese nationals kasama ang sekyu na Pinoy dahil nasangkot umano ng ilegal na pagmimina na walang permit sa Zone 6,Sitio Manlauyan,Brgy Gango, Libona,Bukidnon.
Sinabi ni Police Capt Noel Oclarit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG 10) na kilala ang mga arestado na sina Wu Chun Mao alyas Lao Wu at Wang Ping Yee alyas Lao Wang na taga- China na pansamantalang nakatira sa isang subdibisyon ng Barangay Macasandig ng lungsod.
Kasama sa inaresto ang personal escort ng mga banyaga na si Junel Ermita na taga- Barangay Lumbia ng syudad.
Nag-ugat ang pagka-aresto ng mga suspek batay sa inilabas na search warrant ng korte dahil sa napaulat na illegal mining activities sa lugar.
Natuklasan na paso na ang mga dokumento ng dalawang Intsik at iginiit na kasalukuyang pino-proseso ang passport renewals.
Maliban sa kalibre 38 na baril,nakompiska rin ang maraming kasangkapan paggawa ng bomba na bagamat gagamitin sa mining operations subalit hindi naman otorosido ang pagkakaroon nila dahil walang permiso mula sa gobyerno.
Magugunitang nakompiska mula sa mining site ang apat na sakop na mayroong laman na tig-25 kilos ng ammonium nitrates;dalawang kahon na nakalagay ang 100 piraso ng plain detonators o blasting caps.
*Kabilang rin sa nakompiska ang 11 rolyo ng electrical tapes;31 piraso ng detonating cords with attached blasting caps;13 bundles ng transparent plastics;68 transparent plastics na mayroong laman na ammonium nitrates;40 piraso na blasting caps at maraming iba pa.