Nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation ang dalawang Chinese nationals na naaresto dahil sa ilegal na pagdadala ng mga baril.
Kung maaalala, nagsagawa ng operasyon ang operatiba ng NBI sa isang exclusive village sa lungsod ng Pasig sa bisa ng search warrant.
Ayon kay NBI Regional Director Rommel Vallejo, nakatanggap umano sila ng reklamo tungkol sa mga Chinese nationals na madalas naglalasing, nagwawala,nananakot at mahilig makipag-away.
Nakuha sa isinagawang raid ng mga awtoridad ang assault rifle , 40 caliber na baril at mga bala.
Batay sa reklamo, ang mga baril na mga nakumpiska ay ginagamit umano ng mga suspect sa pananakot sa kanilang kapwa Chinese nationals.
Bukod dito ay nakuha rin ng mga awtoridad ang ilang patches na may naka burdang salita na Sniper Team, Assault Team, Blasting Team at Machine Gun Team.
Ito ay makikita sa kanilang mga airsoft na uniporme na nagsisilbing accessories.
Mahaharap naman ang mga suspect sa kasong may kinalaman sa illegal possession of firearms.