-- Advertisements --

centenarian

Hindi makapaniwala ang dalawang centenarian mula sa Ozamiz City na sila ay nabiyayaan ng pinansiyal na tulong mula sa kanilang pamahalaang lokal na nagkakahalaga ng P300,000.

Kinilala ang dalawang centenarian na sina Pompia Ochagabia Balcita mula sa Barangay Maningcol at Tiburcia Gaid Parojinog mula sa Barangay Molicay kung saan ang kanilang ika-100 na kaarawan ay nitong buwan ng Abril.

Sina Balcita at Parojinog ay nakatanggap ng kabuuang P300,000 na cash gift kung saan P100,000 dito mula sa National Government sa bisa ng Centenarians Act of 2016 ( Republic Act No. 10868), na dinoble ng Pamahalaang Panlalawigan ng Misamis Occidental at ni Governor Henry Oaminal, at ang pangatlo mula sa Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni Mayor Henry “Indy” Oaminal, Jr. at ng konseho ng lungsod.

Ayon kay Mayor Indy Oaminal Jr., ang nasabing regalo ay isa lamang bahagi ng kung paano ipinapahayag ng LGU ng Ozamiz City ang kanilang pangako para sa kapakanan ng mga senior citizen.

“As a city we fully embrace senior citizen-centered policies such as the Centenarians Act, so that we may continue to care for our lolos and lolas,” pahayag ng alkalde.

Ang mga centenarian ay nakatanggap din ng nilagdaang liham mula kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na binabati sila sa “kahanga-hangang tagumpay na umabot sila sa 100 taong gulang.

Sinamantala rin ni Mayor Oaminal, Jr. ang pagkakataong hikayatin ang mga nakatatandang Ozamiznon na pangalagaan ang kanilang kalusugan, para mas maraming lolo at lola ang manatiling matatag para sa kanilang ika-100 kaarawan at higit pa.

Sina Balcita at Parojinog ay ang 9th at 10th centenarians sa lungsod na nakatanggap ng cash gifts mula nang magsimula ang Asenso Ozamiz administration.