Patay sa engkuwentro ang dalawang drug suspect na miyembro ng “Bonnet Gang” matapos makasagupa ang mga pulis sa Baragay Nanhay, Victoria, Laguna, kanina.

Kinilala na ng Laguna Police ang dalawang nasawi sa engkuwentro na sina Christopher Teñido alyas Bulok leader ng Bonnet Gang, at Ruperto Pabalan.

Napag-alaman na si Teñido ay kasama pala sa Top 10 provincial high value target na matagal nang pinatutugis ng mga otoridad dahil sa pagbebenta ng iligal na droga.

Ayon sa Police Regional Office 4A, maghahain lang sana ng warrant of arrest ang Laguna Police at Criminal Investigation and Detection Group-Laguna sa mga suspek pero agad silang pinaputukan ng mga ito habang papalapit.

Dahil dito, gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta naman sa pagkakasugat ng mga suspek.

Nagawa pa silang maisugod sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Nakuha sa lugar ng bakbakan ang isang submachine gun at isang kalibre 45 na baril.