-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Hanggang ngayon ay hindi pa tukoy ang pagkakilanlan at walang kumuha sa bangkay nang dalawa katao na biktima ng summary execution sa Maguindanao.

Matatandaan na nakarinig ng sunod-sunod na putok ng baril ang mga residente sa gilid ng national highway ng madaling araw sa Barangay Taviran Datu Odin Sinsuat Maguindanao.

Dalawang hindi matukoy na sasakyan ang mabilis na umalis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen.

Nang magresponde ang mga pulis at opisyal ng Barangay nadatnan nilang nakahandusay ang mga biktima at maraming tama ng bala ng baril sa kanilang katawan.

Unang inilarawan ni Datu Odin Sinsuat Chief of Police Lieutenant Assir Balindong ang lalaking biktima ay nasa 30-35 anyos, mahaba ang buhok, nakasuot ng navy blue t-shirt, grey cargo pants, salomoon dominant black shoes at estimated 5’5″ feet ang tangkad habang ang babae ay mga nasa 20-25 anyos, with pink pony tail, suot ang kulay cream sweater and pink inner shirt, maong pants, black sneaker shoes, at may floral tattoo sa bahagi ng kanang paa.

Narekober rin sa crime scene ang sampung empty shell ng kalibre.45 na pistola.

Hindi residente ng Brgy Taviran ang mga biktima dahil hindi sila kilala ng mga tao doon.

Sa ngayon ay nakalagak parin ang bangkay ng mga biktima sa Villa Eliza funeral homes sa Cotabato City habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Datu Odin Sinsuat PNP.