CAUAYAN CITY- Nakaranas ng pagbaha ang ilang barangay dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan kahapon sa San Manuel, Isabela at sa Poblacion, Aurora, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Jennelyn Tejero, sinabi niya na nagsimula ng alas syete kagabi ang pag-ulan at nang matutulog na sila ay narinig na lamang nila ang kanilang mga kapit-bahay na nagsisigawan dahil sa baha.
Nagulat na lamang sila dahil sa sobrang bilis ng pagtaas ng tubig na umabot pa sa dibdib pangunahin na sa Brgy. District 1.
Ang nakikita nilang dahilan ay ang paggawa sa mga daan kung saan ang lupa na hinukay ang maaaring nagsanhi ng pagbara sa mga drainage canal maliban pa sa mga basura.
Wala silang naisalba sa kanilang mga kagamitan dahil hindi rin nila inasahan ang mabilis na pagtaas ng tubig.
Hindi rin sila kaagad na nakalikas dahil madilim na at gabi pa ito nangyari.
Alas nuebe trenta na nang sila ay lumikas ngunit nagpalipat-lipat din sila ng pwesto dahil maging ang evacuation center ay binaha rin.
Nanawagan ng tulong ang mga residente ng naturang barangay at ang lahat ng mga naapektuhan ng pagbaha sa nasabing bayan dahil sa pagbaha sa kanilang lugar.
Samantala, binaha ang Poblacion ng Aurora, Isabela matapos ang naranasang pagbaha kagabi.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Brgy. Kagawad Wilfredo Ulanday Jr. ng San Jose, Aurora, Isabela na nagsimula ang pagtaas ng tubig ng alas dos ng madaling araw matapos na tumigil ang pag-ulan.
Aniya, galing sa irrigation canal ang tubig dahil nasira ang ginawang daluyan ng tubig.
Binaha ang Poblacion at palengke ng Aurora, Isabela kaya ang National Highway hanggang sa bayan ng San Manuel ay pansamantalang hindi madaanan dahil malalim ang tubig.
Bagamat pinasok ng tubig ang mga bahay sa kanilang barangay ay nagpapasalamat naman sila dahil walang nasaktan.
Ayon kay Brgy. Kagawad Ulanday, kahit magdamag na uulan ay hindi sila mababaha subalit kapag nasira ang ginawang daanan ng tubig sa may irrigation canal ay napupunta sa Poblacion ang tubig.
Aniya, pangalawang beses na ito na makaranas sila ng pabaha at mas matindi ngayon.