GENERAL SANTOS CITY – Inaalam pa rin ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang natagpuang patay sa Purok Maharlika Alabel Sarangani Province.

Ayon pa kay Police Major Rey Salgado, hepe ng Alabel Police Station, mayroong tumawag sa kanilang concerned citizen bandang alas-7:00 ng umaga hinggil sa dalawang patay na natagpuang nasa loob ng STL outlet sa naturang lugar.

Sa pagresponde ng pulisya, kanilang natuklasan na isang babae at lalaki ang biktima na kapwa nakagapos ang mga kamay at mayroon pang karatula kung saan nakasulat ang mga katagang “drug pusher kami, huwag tularan, layas sa Region 12.”

Ang babae ay nakasuot ng checkered na polo na may puting t-shirt sa loob, nakapantalon at tinabunan pa ang buong mukha ng packaging tape.

Nakuha mula sa kanya ang isang student permit na may pangalang Alona Aleman Pasilan na taga Liwayway Bo. 1 Banga South Cotabato.

Samantala ang lalaki naman ay naka-jacket at blue na t-shirt sa loob.