Nasawi ang dalawang armadong suspek matapos makipagbarilan sa mga pulis nitong Miyerkules ng madaling araw sa Upper Candait, Barangay Dampas, Tagbilaran City, Bohol.
Sa panayam ng Star Fm Cebu kay Bohol Police Provincial Office spokesperson Police Lt Col Norman Nuez, sinabi nitong bahagi ang operasyon sa Oplan Limpyo Tagbilaran na isang hakbangin upang linisin ang lungsod mula sa mga kriminal at tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan.
Ayon kay Nuez, isinilbi ng mga operatiba ang Warrant of Arrest kaugnay ng kasong Murder at Frustrated Murder laban sa akusadong si alyas Ondoy, 40 anyos ngunit biglang pinaputukan ng mga suspek ang mga ito kaya nagkaroon ng palitan ng putok.
Dahil dito, tinamaan ang dalawang suspek na nagresulta sa kanilang pagkamatay.
Aniya, si alyas Ondoy ay itinuturing na Top 2 Provincial level most wanted person.
Samantala, narekober mula sa crime scene ang isang .45 caliber pistol; 1 KG9 na baril; 1 pakete at ilang piraso ng medium-sized na heat-sealed sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu; at 1 sasakyan na walang plaka.
Binigyang-diin na pa niya patunay lamang ang operasyon sa tuloy-tuloy na pagsisikap ng mga otoridad sa pagtugis at pagdakip sa mga wanted persons at kriminal para mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng publiko.