Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines na hindi dinukot ng mga militar ang dalawang aktibista na sina Jonila Castro, at Jhed Tamano, at bagkus ay nagtatago sa kanilang mga kasamahan.
Ito ang binigyang-diin ni AFP spox. Col. Medel Aguilar matapos ang kusang paglapit ng dalawa sa mga otoridad.
Ayon kay Aguilar, bago pa man makalapit sa mga otoridad ang dalawa ay humingi muna ang mga ito ng tulong sa kanilang mga kakilala upang magtago sa kanilang mga kasamahan na puwersahan silang pinapabalik sa kanilang inanibang underground organization.
Gusto aniya kasi ng mga ito na umalis sa naturang kilusan dahil sa hirap na kanilang nararanasan, at mayroon ding ibang grupo na ayaw raw sa kanila dahilan kung bakit mas pinili ng mag ito ang kapayapaan at kanilang seguridad.
Sa ngayon ay nasa ligtas nang kalagayan sina Tamano at Castro na kasalukuyang nasa kustodiya na ng mga otoridad.
Kung maaalala, kaliwa’t kanang mga aktibistang grupo na rin ang nanawagan sa pamahalaan na ilabas ang dalawa kasabay ng kanilang akusasyong dinukot umano ng miyembro ng AFP at PNP ang mga ito sa kanilang mga tahanan.