GENERAL SANTOS CITY – Itinakda sa darating na December 9 ang pinakaunang international flight na GenSan patungong Kuala Lumpur vice versa.
Ito ang sinabi ni Transportation Sec. Arthur Tugade matapos ang pag-inspeksyon kasama si Pangulo Rodrigo Duterte sa seaport at airport nitong lungsod kahapon.
Ibinida ni Sec. Tugade ang pag-unlad ng lungsod matapos ang rehabilitasyon at pagpapalawak ng passenger terminal building at construction ng Civil Aviation Authority of the Philippines administration building.
Maliban sa paglagay ng bagong navigational aid equipment para sa night flight, ipinakita rin sa Pangulo ang contactless check-in kiosk sa naturang paliparan.
Dahil sa lawak ng airport, kaya na nitong i-accomodate ang pitong eroplano kompara sa apat lamang noon at kasya na ang dalawang milyong pasahero kompara sa dati na 800,000 lang bawat taon.
Dahil sa expansion ng airport, magiging mabilis na ang pagpapadala ng mga agricultural, aquaculture at ibang produkto papuntang Maynila at ibang destinasyon.
Samantala, nasa plano na rin ang paglagay ng eco zone at pasalubong center sa loob ng airport.