-- Advertisements --
OFWs tripoli Libya evacuated
OFWs repatriated from Libya (file photo from @elmer_cato)

Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nasa Philippine embassy na sa Baghdad ang unang batch ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na pauwi ng bansa kasunod ng tensyon sa pagitan ng US at Iran.

Ito ay bahagi ng mandatory repatriation operations ng gobyerno.

Ayon kay Lorenzana, ang 14 OFWs ay ibibiyahe muna patungong Doha, Qatar at dito sila sasakay ng commercial flight pabalik ng Pilipinas ngayong araw.

Naniniwala ang kalihim na posibleng tataas pa ang bilang ng mga kababayan natin na nais i-avail ang repatriation program ng pamahalaan.

Nanawagan naman ang Defense department sa mga kababayan natin na nasa Iraq at Tripoli, Libya, para magtungo sa pinakamalapit na Philippine mission para i-facilitate ang kanilang mandatory repatriation.

Sa ngayon kasi “unstable” pa ang sitwasyon sa Middle East lalo na sa Iraq.

Si Environment Sec. Roy Cimatu na siya ring special envoy to the Middle East ay kasalukuyang nasa Qatar para ipatupad ang mandatory repatriation ng gobyerno.

Bukod sa repatriation, inatasan din si Cimatu para i-assess ang security situation sa Iran, Iraq, Libya at mga karatig bansa.