Nagpaabot ng tulong ang mga mahistrado ng Supreme Court (SC) sa mga community pantry sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Personal na pinangasiwaan ang pamamahagi ng gulay nina Justices Estela Perlas-Bernabe, Alfredo Benjamin Caguioa, Marvic Leonen, Ramon Paul Hernando, Chief Justice Alexander Gesmundo at iba pa.
Umaabot sa 18 tonelada ang ibinabang gulay sa mismong SC grounds sa Padre Faura St., Manila.
Ang mga ito ay inani mula sa mga taniman sa Northern Luzon, kaya sariwa at maganda ang kalidad.
Nabatid na nanggaling ang pondo sa personal na pera ng mga mahistradong nakibahagi sa programa.
Kaagad namang inihatid ang mga gulay sa 16 na community pantries sa iba’t-ibang lungsod para makarating sa mga nangangailangang residente na naapektuhan ng coronavirus pandemic.