Nagbabala ang International Maritime Organization chief Arsenio Dominguez ng posibilidad ng 10 araw na pagkaantala at pagtaas ng freight rates ngayon sa ilang mga shipping companies sa iba’t-ibang panig ng daigdig.
Ito ay matapos na madagdagan pa ang bilang ng mga shipping companies ang nagdesisyong mag-iba ng ruta sa South Africa upang makaiwas sa pag-atake ng Yemen’s Huthi rebels sa bahagi ng Red Sea.
Batay kasi sa pinakahuling datos na inilabas ng United Nations Maritime Agency, sa ngayon ay mayroo nang 18 shipping companies ang nagpasyang mag-iba ng ruta patungong Africa nang dahil sa dumaraming pag-atake umano ng naturang rebeldeng grupo sa nasabing lugar.
Kung maaalala, una nang sinabi ng Huthi rebels na sinusuportahan nila ang Hamas at nagbantang aatakihin ang mga barkong patungo sa Israel.
Dahil dito ay naglunsad ang US ng international naval operation para protektahan ang mga barko kasabay ng pakikipagtulungan din sa inisyatibong ito ang ibang malalaking bansa gaya ng UK, Canada, at Spain.
Nitong Disyembre lang ng nakaraang taon, kabilang ang 15 pinoy sa barkong inatake ng Huthi kung saan kinumpirma ng Department of Migrant Workers na ligtas ang mga ito.