Aabot sa 18 mga indibidwal ang patay habang 33 naman ang sugatan matapos na aksidenteng bumulusok at mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyang bus sa bahagi ng western Mexico.
Sa ulat ng prosecutor’s office ng Nayarit kung saan nangyari ang naturang aksidente, noong Sabado ng gabi nahulog ang naturang bus na may lalim na 15 meters o 49.21ft pababa mual sa tinatahak nitong highway na kumokonekta sa state capital ng Tepic at Puerto Vallarta na isang tourist destination.
Anila, agad silang nakipag-ugnayan sa iba’t-ibang federal at state authorities nang matanggap ang ulat pahinggil sa pangyayaring ito upang agad na mabigyan ng mabilisang responde ang mga biktimang sakay ng nasabing bus.
Mula sa naturang aksidente ay nakumpirma na mayroong 11 kababaihan at 7 kalalakihan ang binawian ng buhay, habang 11 mga menor de edad naman ang sugatan at agad na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan sa lugar na pinangyarihan para sa kaukulang atensyong medical.
Sa ngayon ay patuloy pa ring inaalam ng mga otoridad ang sanhi ng naturang insidente.