Kinilala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang 17 drug-cleared municipalities mula sa Zamboanga Peninsula nitong Sabado dahil sa kanilang matagumpay na kampanya kontra droga kasabay ng regional launch at roll- out ng programang Buhay ay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) sa rehiyon.
Ayon kay DILG Secretary Benjamin “Benhur” C. Abalos, lahat o 386 na barangay na sakop ng 17 na bayan ay idinenaklarang drug-cleared na.
Sa datos ng regional Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-9) nitong Disyembre 2022, nasa 1,334 na mula sa 1,904 na mga barangay sa rehiyon ang tuluyan nang nalinis sa iligal na droga.
Habang nasa 455 naman na mga barangay ang apektado ng iligal na droga, habang 115 naman ang unaffected na mga barangay.
Batay sa Dangerous Drugs Board Regulation No. 4, s. of 2021, bago ideklarang drug-cleared ang isang bayan, kinakailangang lahat ng nasasakop na barangay nito ay drug-cleared na rin at matapos ang assessment ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing.
Kaugnay nito ay hinimok ni Abalos ang natitirang 58 municipalities sa rehiyon na maging mas masigasig sa kanilang anti-illegal drugs campaign sa mga komunidad upang sila rin ay maideklarang drug-free.